Monday, October 14, 2013

"INAY KO PO!"

Ang pangingibang bansa ang aking inspirasyon sa pagsulat ng kuwentong pambatang ito. Ibinabalik ko ang pagsisiwalat ng karanasan sa mga tahanan na nasa Pilipinas ang mga magulang at anak. Ano kaya ang kanilang pinagdadaanan sa kabila ng "magandang buhay" na ibinebenta ng pag-a-abroad? Tuklasin natin sa kuwentong pinamagatang, "Inay ko po!"







“INAY KO PO!”
Sa Panulat ni Earvin Charles B. Cabalquinto

“Ang nanay ko ay Nars sa Amerika”, sabi ng isang estudyante.

“Ang nanay ko ay teacher sa Singapore!”, buong yabang na sabat ng isa.
“Ang nanay ko ay Accountant sa Dubai”, dagdag ng isa pang estudyante.

“Ikaw, Noel?”, tanong ng guro.

“Ang nanay ko ay… ang nanay ko ay…”, bago pa man matapos ni Noel ang kanyang sasabihin ay humagikgik na ang ilang kaklase.

“Noel?”, tanong ng guro.

‘’Ah si Nanay? Ang nanay ko po ay...”

Krrrrrrrrrng. Tapos na ang klase.

***
Papalabas na ng silid si Noel ng tawagin siya ng kaklase, “Noeeeeeeeeeeeeeeeeel!”

“Noel, tingnan mo, itong bag ko, galing Amerika!Padala ng nanay ko!”

Sasabat ang isa pang bata, “Oh etong relo ko, galing Singapore! Padala rin ng nanay ko.”

“Wala yan sa sapatos ko, galing Dubai! Padala rin ng nanay ko.” sabi ng isa pang bata.

“Eh ikaw Noel? Yang damit mo? Gawa ba sa retaso?”, magtatawanan ang mga bata.

Hindi iimik si Noel at lumabas ng silid.

Napabulon ito sa sarili, “sana nag-a-abroad na lang din si nanay.”

Biglang kumulog at bumuhos ang ulan. Sumugod si Noel sa ulan.

***

Dumating ang nanay ni Noel bitbit ang payong. Bitbit din nito ang ilang bag na puno ng tela. Pero sa halip na lumapit si Noel sa nanay nito ay naglakad ito palayo at nagpaulan.

“Anaaaaaaaaaaak!”, sigaw ng nanay ni Noel.

Hindi ito papansinin ni Noel. Agad na pupunta ito sa sakayan ng jeepney. Nakasimangot ang mukha nito.

Sinuong ni Noel ang malakas na buhos ng ulan.

Pag-uwi ng bahay ay agad na dumiretso si Noel sa kuwarto. Nahiga ito sa kama at hindi na nakuha pang magbihis.

***

Idinilat ni Noel ang kanyang mata. Wala na sya sa kama. Naroroon sya sa sakayan ng jeepney. Malakas pa rin ang buhos ng ulan. Laking pagtataka ng bata.

Habang naghihintay sa jeepney ay may batang palaboy ang lumapit kay Noel.

“Sa’yo na ito.“

Manlalaki ang mata ni Noel, “Ano yan?“

Iaabot ng bata ang cellphone.

“Naku, ninakaw mo ba yan?”

Lilingunin ni Noel ang kanyang nanay pero laking gulat nya at wala na ang batang palaboy. Nasa palad na nya ang cellphone. Nakabalot ito ng plastic.

Pag-uwi ng bahay ay agad na ibinasura ni Noel ang cellphone. Takot siya na baka pagbintangan pa siyang magnanakaw.

***

Panay ang sigaw ni Noel.
“Naaaaaaaaaaaaay!”, pero walang sumasagot. Nakailang beses ito ng sigaw pero walang sumasagot.

Naglakad si Noel papunta sa kusina upang hanapin ang kanyang inay. Wala ito. 

Laking gulat na lamang nito, ang cellphone na kanyang itinapon ay nasa mesa na.

Dahan dahan hinawakan ni Noel ang cellphone.

Pagdampi ng palad ng bata ay bumukas ang cellphone. Nagsalita ang babae sa cellphone, “Hello, Noel! Good Morning!”

Halos mapaupo si Noel. “Inay? Ano pong ginagawa niyo dyan? Nasaan po ba kayo?”

“Hello Noel. Di ba gusto mo ito? Nasa abroad na ako.”

“Abroad?”

“Oo. Nag-abroad ako para mabili ko lahat ng gusto mo. Para hindi ka na tutuksuhin ng mga kaklase mo. Sabihin mo lang at ipapadala ko.”

 “Talaga po?”, tuwang tuwa na sagot ni Noel.

Napatayo si Noel at simulang nagpalakad-lakad.

“Sapatos! Magandang sapatos!”

“At saka bag, yung kulay asul!’

“At, relo, magarang relo!”

***

Sa eskuwelahan ay nagsimulang mapansin si Noel.

“Wow, Noel, ang ganda naman ng bag mo!” pagbati ng isang estudyante.

“At yung sapatos mo, ang ganda rin!, sabat ng isa pang estudyante.

“Ang ganda rin ng relo mo!” dagdag pa ng isang estudiante.

Hindi papansinin ni Noel ang mga pagbati. Maglalakad sya palayo sa mga estudyante.

May malaking ngiti ang gumuhit sa kanyang mukha.

***

Lumipas ang ilang araw at panay ang dating ng mga kahon sa bahay nina Noel.

Nagkaroon si Noel ng napakaraming gamit. Nagkaroon siya ng play station, computer, mga laruan, mga imported na chocolates, at kung anu ano pang mamahaling gamit.

“Masaya ka ba, Noel?”, tanong ng kanyang nanay sa cellphone.
 
Hindi sasagot si Noel at patuloy lamang ito sa pagkain ng mga tsokolate.

***

Nagkumpulan ang mga estudiante sa eskuwelahan.

“Sa susunod na buwan ay ang inyong graduation, inaasahan ko na sana ay makadalo ang inyong mga magulang.”, paalaala ng guro sa klase.

Napaisip si Noel. Bumulong ito sa sarili. “Inay ko po!”

***

Agad na umuwi si Noel sa kanilang bahay at kinuha ang cellphone.

“Nay! Nay! Andyan ka ba Nay?”, nagmamadaling pagsabi ni Noel.

Noel, ano iyon?”

“Nay, graduation na po namin sa susunod na buwan. Gusto ko po na andoon ka.”, pakiusap ni Noel.

“Noel. Hindi maaari.”

“Ha? Bakit hindi po puede?”, laking gulat ng bata.

 “Hindi puede, Noel. Hindi ako makakapunta. Nasa abroad na ako. Puede lang tayo magkita at magkausap dito sa cellphone. Kung gusto mo ay papadalhan na lamang kita ng mga bagay na gusto mo. Gaya ng mamahaling sapatos, magarang relo o di kaya ay pera!”

 “Nay, ikaw ang gusto ko. Ikaw!”

 Hindi na nakasagot pa ang kanyang inay. Lowbatt na ang cellphone.

***

Agad na hinahap ni Noel ang batang palaboy na nagbigay sa kanya ng cellphone. Pinuntahan niya ang hintayan ng jeepney. Wala ang bata rito.

Maya maya ay nakita niya ang bata na nakatayo sa labas ng simbahan. Nilapitan niya ito.

“Ibinabalik ko na sa iyo ito. Ibalik mo ang nanay ko!”, pagalit na sabi ni Noel.
 
Hindi umimik ang bata.

Hinawakan ni Noel ang balikat ng bata. Biglang nagsalita ang bata.

“Gaya mo. Hiniling ko na sana nag-a-abroad na lang din ang nanay ko para maibigay ang lahat ng gusto ko. Gaya mo, ikinahiya ko ang nanay ko dahil sa trabaho dahil niya na hindi maibigay ang gusto ko...”

 “Ibalik mo ang nanay ko! Ibalik mo sya!“, sigaw ni Noel.

“Hindi ko sya maibabalik.”

Ibabato ni Noel ang cellphone sa loob ng simbahan. Mababasag ito.

 Sisigaw si Noel, “Inaaaaaaaaaaaaaaaaaay!”

***

“Noel! Noel!”, sabi ng nanay ni Noel.

Pagdilat ng mata ni Noel ay nakita nya ang kanyang inay. Hindi siya makapaniwala. Nanaginip lang pala siya. Nasa tabi niya ang kanyang nanay.  Sa sobrang pagkagulat at niyakap niya ito.
 
“Inaapoy ka ng lagnat. Bakit ka naman kasi nagpaulan“, sambit ng nanay ni Noel habang todo ang pagpahid ng bimpo sa bata.

Hindi halos makapagsalita si Noel. Halos hindi nya mabitiwan sa pagkakaakap ang ina.

***

Nagtipon ang mga estudyante sa school grounds para sa graduation.

“Noel! Tingnan mo ang pantalon ko, galing Amerika!”, yabang ng estudyante.

 “Itong sapatos ko ay galing Dubai!”, sabat ng isa pang estudyante.

 Sumingit ang isa pa at nagsabi, “Etong relo ko eh galing Singapore!”

 Mapapangiti si Noel.

 “Wala yan sa polo ko. Gawa ito sa Pilipinas. Isa pa, ginawa ito ng nanay ko.”

Magkakatinginan ang mga bata.

Darating ang nanay ni Noel.

Yayakapin ni Noel ang kanyang nanay.

Wakas
 
Ang kuwentong pambatang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards.
 
 
 
 






 

No comments:

Post a Comment

ShareThis